Saturday, February 11, 2017

TAKLUB: Untold Stories of Typhoon Yolanda Victim



Noong nakaraang Sabado, ika-14 ng Enero , ganap na ika-9 ng umaga ay ginanap ang Film screening ng pelikulang “Taklub”. Nagsilbing mga tagapanuod ang mga mag-aaral ng Senior High School ng Calayan Educational Foundation, Inc. gayundin ang mga guro at ilang mga kolehiyo. Sa pagkakataong iyon ay makakasama ang direktor na si Brillante Mendoza.
Bilang isang magaling na direktor, ang nagsagawa ng pelikulang ito ay hindi na kataka-taka na magkaroon ito ng mga parangal at tangkilikin ng mga tao.
“Isang taon na nag lumipas, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin tayo nakakaahon.” Ito ang linyang tumatak sa akin, tinutukoy dito ng tauhan kung gaano kabagal ang sistema ng pagbibigay ng tulong ng gobyerno sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda, ang mga nanininirahan sa Tacloban. Ang mga tao doon ay naipit na sa sitwasyon na palaging naghihintay sa tulong na maibibigay ng Pamahalaan na sadya naman talagang mabagal.
Layunin ng Direktor na si Brillante Mendoza na maipabatid sa mga tao kung gaano kahirap ang pinagdaanan ng mga biktima ng bagyong Yolanda na patuloy pa rin nilang pinagdadaanan hanggang sa ngayon. Gayundin ay nais niya na maipakita nga kalagayan ng mga tao sa Tacloban matapos ang bagyo. At sa aking palagay, hindi siya nabigo na ipaabot at ipadama sa mga manunuod ang kaniyang ninanais na mangyari.
Iba’t-ibang katangian ng mga tauhan ang ipinakita sa pelikula. Nariyan si Bebeth na naging matulungin sa kapwa, si Renato na bagama’t nawalan na ng pag-asa ay patuloy pa ring lumalaban sa hirap ng buhay, si Erwin na siyang matiyaga sa pag-aasikaso sa dokumento ng magulang, at pag-aalaga sa mga kapatid, at si Larry na kung minsan ay nawawalan ng pananampalataya sa Diyos dahil sa hirap na dinaranas. Ang mga katangiang ito ay mga katangian na sadya namanag tinataglay at maaaring taglayin ng sinuman, depende sa sitwasyon at pinagdadaanan.
Ang mabagal na sistema ng pamamahagi ng tulong ng Pamahalaan ang siyang nakakasagabal upang umusad ang pamumuhay ng mga biktima ng bagyong Yolanda. Marami sa mga nasawi ang hindi pa nahahanap, at marami sa mga nasalanta ang hindi pa nakakaahon. At ang nais ng direktor na bumuo ng pelikulang ito ay mabigyang-pansin ang mga kakulangang ito, at hindi naman siya nabigo na iparating  ito sa atin. Kaya’t kung anuman ang kanilang pinagdaanan bilang mga biktima ay dapat nating isaalang-alang ang mga ito, dahil ang mga pangyayari sa pelikula ay hindi malayo na muling maganap sa hinaharap.

Matapos ang ilang oras na panunuod ng pelikula ay maraming realisasyon ang pumasok sa aking isip, at nais ko na kayo mismo ay madama rin ito. Isa ang pelikulang “Taklub” sa mga nag-uwi ng parangal sa bansa, at kung mapapanuod ito ay hindi na kailangang pagdudahan kung bakit.

Sanaysay

Katulad ng Pen-pineapple-apple-pen, ang sanaysay ay nagmula rin sa mga pinagsanib na salita, ang “sanay” at “pagsasalaysay” o pagsasalaysay ng isang sanay”. Ang ideyang ito ay nagmula kay Alejandro Abadilla, ayon pa sa kanya, ang sanaysay ay nakasulat na karanasan ng isang sanay sa pagsasalaysay.
Ang sanaysay ay nilikha hindi lamang para maghatid ng impormasyon sa mga mambabasa. Tungkulin rin nito ang mang-aliw, magbahagi ng iba’t-ibang opinion at karanasan, gayundin ang manghikayat. Kaya para sa mga hopeless romantic na tulad mo, subukan mo lang magbasa ng sanaysay para kahit papa’no, sumaya ka naman. Usong-uso na ang mga hugot books ni Marcelo Santos, nandiyan din ang mga payo ni Alex Gonzaga at kung ano-ano pang libro na pwede kang mapasaya.
Mayroong malaking kaibahan ang pormal at impormal na sanaysay. Ang pormal na sanaysay kasi ay naghahatid ng mga impormasyon sa lohikal at makaagham na pamamaraan, maingat na pinipili at isinasaayos ang mga pananalita kaya’t mabigat itong basahin, masakit sa matang tingnan, at umaalingawngaw sa tenga kung papakinggan. Samantala, ang impormal na sanaysay naman ay isang pagbabahagi ng karanasan ng may-akda at gumagamit ng mga salita na parang nakikipag-usap lamang kaya’t magaan at madaling intindihin ang nais nitong parating.
Lahat naman ng nilikhang anyong pampanitikan ay mayroong naging ambag sa lipunan. Itong sanaysay ay nagkaroon din ng ambag. Dahil nga itng sanaysay ay ginamitna sandata n gating mga bayani noon, naging daan ito upang maipahayag ang kanilang saloobin at pinagdaanan sa kamay ng mga dayuhan. Mula rin dito ay nagkaroon ng iba’t-ibapang akda gaya ng maikling kwento, panayam, dyornal, at iba pa. Ikaw lang naman ‘tong lagging kasali kahit walang ambag.
Napakarami ng iba’t-ibang anyong pampanitikan ng ating bansa, at ang bawat isa rito ay may kaniya-kaniyang layunin. Ang sanaysay, bilang bahagi ng panitikan ay naglalayon na mang-aliw sa mga mambabasa at magbigay ng impormasyon. Sa ating kasaysayan, ito ay isa sa mga naging paraan upang makibaka at lumaban sa digmaan an gating mga bayani, gaya na lamang ni Dr.Jose Rizal. Tulas ng isang chismis na patuloy  na tinatangkilik ng mga chismosa sa kanto, hanggang sa panahon ng kasalukuyan, ang mga ideolohiya tungkol sa kasaysayan ay patuloy pa ring dumadaloy sa pamamagitan ng pagtangkilik natin sa mga sanaysay.
Hindi lamang sa kasalukuyan nagkaroon ng mga kung ano-anong isyu, pero hindi rito kasama yung mga isyu mo sa pag-ibig. Maging sa larangan nga ng pagsasanaysay ay nagkaroon din ng ganito. Noong mga panahon nga na hawak ng mga dayuhan ang ating bansa, naging paraan ito upang isiwalat nila ang mga katiwaliang nagaganap, at sa pamamagitan ito ng pagsasanaysay. Isa sa mag isyu ay ang pagsasabatas ng Sedition Law kung saan pinagbabawalan ang mga manunulat na  na Pilipino na maglathala ng mga akda na tumutuligsa sa mga mananakop.
Isang uri ng sanaysay ay ang Malikhaing sanaysay. From the word itself, charot, ito ay ang malikhaing pamamaraan ng pagsulat ng sanaysay na gumagamit ng mga salita na hindi mabigat para sa mambabasa ngunit kapupulutan pa rin ng mga impormasyon. Ito ay naglalaman ng mga karanasan ng mannunulat, gayundin ang kanyang sariling pananaw at kuro-kuro. Ayon nga kina Lee Gutkind at Philip Gerard, ang mga katangian daw ng malikhaing sanaysay ay ang mga sumusunod: nagsasabuhay at nakikipamuhay sa realidad ng sinusulat; pananaliksik sa napiling paksa; pagninilay-nilay sa nakalap na datos; pagbabasa ng mga tekstong makatutulong sa pagsusulat; at ang mismong akto ng pagsusulat.
Madalas na isinusulat ang malikahing sanaysay hindi dahil trip lang ng mga manunulat kundi dahil mas madali nitong napupuka ang damdamin ng mambabasa. Mas mabilis na napoproseso ang mga impormasyon sapagkat hindi ito nakaka-bored basahin. Sa parte naman ng mga manunulat, mas madalas na iakda ang malikahaing sanaysay sapagkat ito’y nagiging daan nila upang makapagbahagi ng kanilang karanasan at ditto ay nailalabas nila ang kanilang saloobin.

Sa pagdaan ng panahon at paglaganap ng modernisasyon, nauso na rin itong Blogging. Isa itong paraan ng pagsulat sa pamamagitan ng teknolohiya, medyo sosyal na version ito. Maituturing itong isang malikhaing sanaysay sapagkat ang blogger (sumusulat ng blog) ay kadalasang nagbabahagi ng kanilang karanasan tungkol sa mga bagay na kanilang naranasan o lugar na kanilang napuntahan. Halimbawa na lamang ay ang pag-popost ng isang blog na naglalaman ng pagbabahagi ng may-akda tungkol sa pag-attend niya sa concert ng EXO, o ang pagkain niya ng Bibimbap sa isang Korean Restaurant o kaya naman ay ang karanasan niya sa South Korea noong bakasyon. Malaki ang kaibahan nito sa ibang Social Networking Sites gaya ng facebook, dahil hindi ito naglalaman ng puro ka-echosan lang, may kabuluhan naman ang nasusulat dito.  

Nakukubling Adhikain

Ika-10 ng Disyembre sa taong kasalukuyan, pangkaraniwang araw lamang sana ito para sa akin, ngunit naging makabuluhan ito matapos ang isang araw na aking pagdalo sa programa na pinamagatang “Arts for Human Rights”. Iba’t-ibang tao mula sa iba’t-ibang samahan, gayundin ang mag piling mag-aaral ng Senior High School buhat sa Calayan Educational Foundation, Inc. ang lumahok sa nasabing aktibidad. Ito ay araw ng pagpapahayag ng ating karapatan bilang tao, at bilang mamamayang Pilipino.
Sa pagsisimula ng programa, nagpakita ng kaniya-kaniyang talento ang ilang mag-aaral na isa ra paraan ng pagpapahayag ng kanilang mga sarili. Sabi nga ng isa sa mga hosts ng programa, “Ipakita n’yo na ang mga talent n’yo, kasi baka one day, mawalan na kayo ng kalayaan na ipahayag ‘yang mga sarili n’yo. Kaya, go na!” Game na game naman ang bawat isa na kumanta o tumula man, basta nagpakita ng talent at nagpapahayag ng sarili sa kani-kanilang paraan.
Samantala, kapansin-pansin naman ang isang tela na inilatag at sinimulang pintahan ng pula ng mga artists na nandun, tulong-tulng, nagkakaisa. Marahil ay iyon ang kanilang paraan ng pagpapahay ng sarili nila.
Malayo ang anking puwesto sa unahan, kaya naman tanaw ko ang bawat tao na katulad ko ay nasa event center din, nakikilahok sa nagaganap na aktibidad. Maya-maya pa ay lumapit kami sa isa sa mga artists na  nagpipinta, si Christopher Fernandez. Naki-upo kami sa tabi niya at saka nagtanong. “Bakit po kaya kailangan ng mga ganitong klase ng event?” umpisa namin. “Kailangan ito para magbalik-tanaw sa mga nakaraan lalo na noong kapanahunan ng ating dating Pangulo na si Marcos kasi may mga estudyante parin ngayon na hindi aware sa mga nangyari noon at nangyayari pa lang ngayon sa pamumuno ni Duterte”, sagot naman niya. “Duterte? Hindi po ba kayo pabor sa kaniyang administrasyon?” dagdag ko. “Pabor naman ako sa magagandang nangyayari pero ‘dun sa ibang nangyayari na hindni nakakabuti sa mga mamamayan, siguro doon ako hindi sang-ayon.  Kasi mayroon namang magandang hangarin, kaso may ilan ding nakakasama para sa mga mamamayang Pilipino”, tugon niya. “Ano po ‘yung nag-udyok sa iny para makilahok sa mga ganitong programa?” tanong ko. “Socio-realist kasi ang major ko. Sa pamamagitan nito mas magkakaroon ka ng awareness sa mga nangyayari sa ating lipunan”, sabi niya. “May mga personal po ba kayong karanasan na nakaapekto sa inyo para makabuo ng ganitong klase ng Artwork?” Muli kong tanong. “Wala naman. Ito talaga ‘yung art practice na ginagamit kong subject matter para bumuo ng isang konsepto tungkol  sa isang kwento na maipahahayag gamit ang isang obra”, patuloy parin ang kanyang matatas na pagsagot sa kabila ng pagiging abala niya sa pagpipinta. At sa pagtatapos ng aming usapan ay inalam muna namin kung ano nga ba ang kaniyang maaaring maipayo para sa tulad nating kabataan. “Mayroon naman kayong mga sariling pagiisip kaya dapat may kalayaan din kayong pag-aralan at magdesisyon tungkol sa mga nangyayari. Huwag n’yong limitahan ang sarili n’yo kasi lahat tayo ay may karapatan para alamin ang ating sitwasyon”, sagot niya.
Ngunit hindi pa rin sasapat kung sa isang tao lamang manggagaling kaya pinili naming magtanong pa sa ibang tao na naroroon. Sa puntong iyon na namin nakilala si Yasmin Lacerna, isa rin sa mga artista na nagpinta ng mga artwork na makikita sa lugar na iyon. “Ano pong masasabi nyo tungkol sa Human Rights?”  Unang tanong na agad din naman niyang binigyan ng sagot. “Mga karapatang pantao ‘yun. Malawak ang salitang Human Rights. Halimbawa, karapatan ng mga magsasaka, karapatan mong magsalita o ‘yung self-expression m, lahat ‘yun karapatan natin.”
“Bakit po kayo gumagawa ng mga ganoong klase ng artwork?” tanong na lumabas sa aking bibig dala ng curiousity. “Yang mga ‘yan ay para sa masa. Hindi lang kami nagpipinta dahil sa pansariling interest kundi para sa lahat ‘yan at gusto naming iparating sa kanila kung ano ang mensahe na nais iparating ng bawat artwork na aming ipinipinta.”
Ilang ulit kong narinig na lumabas sa kaniyang bibig ang mga salitang “Art for the Mass”, dahil ayon sa kanya, hindi raw nila ginagawa ang mga iyon para lamang sa kanilang pansariling interes o dahil lang sa gusto nila, para daw ito sa masa.
Sapat na ang mga impormasyong nakalap namin, subalit sadyang kapansin-pansin ang isang tulad nating kabataan. Si Joel Boncay, 19 lamang daw siya, ngunit hindi mo mababtid ang kaniyang edad kung titingnan mo ang kaniyang kilos, lalo na ‘nung narinig ko ang kaniyang talento, ang pagra-rap. Sa kabila ng mabilis na paraan ng pananalita ay maiintindihan naman ang mensaheng nais niyang ipabatid. Siya ang kasunod naming tinanong. “Gusto lang po naming malaman, kayo po ba ang sumusulat ng mga rap niyo?” pagsisimula ko. “Oo, ako. Yung kinanta ko kanina, ako ang sumulat ‘nun. Saka ‘yung “Lumad”, para iyon sa mga kababayan natin sa Mindanao. Yung mga kanta ko kasi puro patungkol sa nangyayari sa bansa.” Sabi naman niya.
“Ano po ‘yung nag-udyok sa inyo para sumulat ng mga ganyang klase ng kanta at sumali sa mga ganitong uri ng samahan?” Tanong ko. “Kasi nga, tayong kabataan, mga millenials ang dapat nagpapatuloy sa mga nasimulan ng mga tao noon. Sayang naman ‘yung mga pinaghirapan nila kung babalewalain lang natin. Sinusulat ko ‘yang mga kantang ‘yan kasi gusto kong maki-alam at gusto kong ipaalam sa mga tao kung gaano ba kaimportante na may pakialam tayo sa nanngyayari.”
At para tapusin ang aming pag-uusap ay huningan ko rin siya ng payo para sa kabataan.
“Katulad nga ng sinabi ko kanina, dapat bilang kabataan e may pake tayo sa nangyayari sa paligid natin. Hindi tayo basta kabataan lang. Kung ikaw, nakita mo ‘yung kaklase mo na inaagawan ng baon ng iba mo pang kaklase pero wala kang ginawa para matulungan siya, mali ‘yun. Nakita mo pero wala kang ginawa. Kaya dapat matuto tayong i-voice out ‘yung mga nakikita natin. Tayong kabataan, may magagawa tayo sa mga simpleng paraan. HIndi ko naman sinasabi na sumali kayo sa mga rally o kung ano-anong organization, pero dapat maging part tayo ng pagbabago. Wag lang tayo basta tumingin, maki-alam tayo.” Sa mga sagot na kaniyang sinabi, napakaraming realisasyon ang agad pumasok sa aking isip. Nakakamanghang isipin na hindi nagkakalayo ang aming edad, ngunit napakalawak na agad ng kanyang hangarin at may nagagawa na agad siya para samga tao. Isa siyang inspirasyon sa kabataan.

Sa pagtatapos ng programa ay muling naging abala ang lahat sa pakikinig sa mga nagsasalita. Muling napukaw ng pulang tela ang aking atensyon. Pinagmasdan ko ito at saka ko napagtanto ang nais ipahatid ng pintang ito sa atin. Sa loob ng maiksing panahn ng pakikilahok sa programang ito, pakiramdam ko ay malaking parte na agad ng aking pagkatao ang nabago. Naimpluwensyahan, natuto, at magsisimulang makiisa sa pagbabago. Ngunit higit na lumitaw ang isang mensahe ng araw na ito, ipahagayag ang kalayaan bilang tao at tamasahin ang mga karapatan hangga’t malaya pa natin itong natatamasa.