Saturday, February 11, 2017

TAKLUB: Untold Stories of Typhoon Yolanda Victim



Noong nakaraang Sabado, ika-14 ng Enero , ganap na ika-9 ng umaga ay ginanap ang Film screening ng pelikulang “Taklub”. Nagsilbing mga tagapanuod ang mga mag-aaral ng Senior High School ng Calayan Educational Foundation, Inc. gayundin ang mga guro at ilang mga kolehiyo. Sa pagkakataong iyon ay makakasama ang direktor na si Brillante Mendoza.
Bilang isang magaling na direktor, ang nagsagawa ng pelikulang ito ay hindi na kataka-taka na magkaroon ito ng mga parangal at tangkilikin ng mga tao.
“Isang taon na nag lumipas, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin tayo nakakaahon.” Ito ang linyang tumatak sa akin, tinutukoy dito ng tauhan kung gaano kabagal ang sistema ng pagbibigay ng tulong ng gobyerno sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda, ang mga nanininirahan sa Tacloban. Ang mga tao doon ay naipit na sa sitwasyon na palaging naghihintay sa tulong na maibibigay ng Pamahalaan na sadya naman talagang mabagal.
Layunin ng Direktor na si Brillante Mendoza na maipabatid sa mga tao kung gaano kahirap ang pinagdaanan ng mga biktima ng bagyong Yolanda na patuloy pa rin nilang pinagdadaanan hanggang sa ngayon. Gayundin ay nais niya na maipakita nga kalagayan ng mga tao sa Tacloban matapos ang bagyo. At sa aking palagay, hindi siya nabigo na ipaabot at ipadama sa mga manunuod ang kaniyang ninanais na mangyari.
Iba’t-ibang katangian ng mga tauhan ang ipinakita sa pelikula. Nariyan si Bebeth na naging matulungin sa kapwa, si Renato na bagama’t nawalan na ng pag-asa ay patuloy pa ring lumalaban sa hirap ng buhay, si Erwin na siyang matiyaga sa pag-aasikaso sa dokumento ng magulang, at pag-aalaga sa mga kapatid, at si Larry na kung minsan ay nawawalan ng pananampalataya sa Diyos dahil sa hirap na dinaranas. Ang mga katangiang ito ay mga katangian na sadya namanag tinataglay at maaaring taglayin ng sinuman, depende sa sitwasyon at pinagdadaanan.
Ang mabagal na sistema ng pamamahagi ng tulong ng Pamahalaan ang siyang nakakasagabal upang umusad ang pamumuhay ng mga biktima ng bagyong Yolanda. Marami sa mga nasawi ang hindi pa nahahanap, at marami sa mga nasalanta ang hindi pa nakakaahon. At ang nais ng direktor na bumuo ng pelikulang ito ay mabigyang-pansin ang mga kakulangang ito, at hindi naman siya nabigo na iparating  ito sa atin. Kaya’t kung anuman ang kanilang pinagdaanan bilang mga biktima ay dapat nating isaalang-alang ang mga ito, dahil ang mga pangyayari sa pelikula ay hindi malayo na muling maganap sa hinaharap.

Matapos ang ilang oras na panunuod ng pelikula ay maraming realisasyon ang pumasok sa aking isip, at nais ko na kayo mismo ay madama rin ito. Isa ang pelikulang “Taklub” sa mga nag-uwi ng parangal sa bansa, at kung mapapanuod ito ay hindi na kailangang pagdudahan kung bakit.

No comments:

Post a Comment